BUTUAN CITY – Inihanda na ng mga army paratroopers ng 3rd Special Forces “Arrowhead” Battalion, Special Forces Regiment Airborne ang mga dokumentong kakailanganin para sa pag-enrol ng isang lider ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Enhance Comprehensive Local Integration Program o ECLIP matapos sumuko.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni Lt. Juvenie Alpeche ng 3rd Special Battalion, Philippine Army ang sumuko na si Patrick Tejeros Wagdos na nakilala ding si alyas Ka Tuloy, squad leader ng Sandatahang Yunit Pampropaganda-Interior, Sub-Regional Committee ng Southland ng North Eastern Mindanao Regional Committee o NEMRC.
Ayon kay Lt. Alpeche, sumuko si Wagnos sa kanilang batalyon sa Purok 3, Brgy. St. Christine, Lianga, Surigao del Sur bitbit ang siyam na mga high-powered firearms .
Napagdesisyunan umano niyang sumuko matapos mapagtanto na niloko lamang sila ng nasabing kilusan at dahil na rin sa pressure na hatid ng nagpapatuloy na focused military operations ng 3rd Special Forces Battalilon sa kanilang lugar.
Nandyan pa ang kagustuhan niyang makapiling ang kanyang pamilya at ang pagnanais na maranasan din ang kaginhawaang naranasan ngayon ng kanyang mga dating kasamahan kasama ang kani-kanilang pamilya matapos sumuko sa pamahalaan.
Napag-alamang bitbit ni Wagdos sa kanyang pagsuko ang siyam na mga AK47 rifles pati na ng pitong mga ammunition magazines.