CAUAYAN CITY – Iprinisinta ng militar ang sumukong squad leader ng Central Front ng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa Isabela kasama ang ilang matataas na uri ng baril at subersibong dokumento.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGen. Lawrence Mina, commander ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army, sinabi niya na kasamang isinuko ni alyas “Marlboro” ang dalawang M16 armalite rifle, mga bala, apat na pampasabog, bandolier, handheld radio, detonating cord ng IED, external hard drive at mga subersibong dokumento.
Si “Marlboro” aniya ay kasama sa mga nakasagupa ng mga sundalo ng 95th Infantry Battalion sa Sito Diwagden, San Jose, San Mariano, Isabela noong Oktubre 24, 2019.
Samantala, mabibigat umano ang mga impormasyon na isiniwalat ni Alyas Marlboro matapos ihayag na siya at ang kaniyang grupo ang sangkot sa tangkang pagpapasabog sa Bio-Ethanol Plant sa San Mariano, Isabela.
Nagpasya umano ang NPA leader na kusang magbalik-loob sa pamahalaan matapos siyang maipit sa naganap na sagupaan sa pagitan ng kanilang grupo at militar noong October 24, 2019 sa San Jose, San Mariano.
Napakinggan niya sa isang programa ng Bombo Radyo Cauayan ang tungkol sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) at dahil sa takot niya na madamay sa kaguluhan ang kaniyang pamilya ay kusang loob siyang sumuko sa militar.