BACOLOD CITY – Inilipat sa headquarters ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) ang siyam sa 11 katao na sinasabing mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na suspek sa pagpatay sa konsehal ng Moises Padilla sa bahay nito noong Marso 31.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si Police Captain Junjie Liba, temporaryo munang ikukustodiya ang siyam sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kasunod ito ng ilang impormasyon na kanilang natanggap na planong lusubin ng mga miyembro ng rebelde ang Moises Padilla Municipal Police Station.
Kinumpirma rin ni Liba na ibinalik na sa kustodiya ng kanilang mga magulang ang dalawang menor de edad na nakasama sa mga naaresto.
Ayon sa hepe, tahimik na ngayon sa nasabing lugar ngunit hindi sila nagpapakampante dahil sa mga posibilidad na muling umatake ang NPA.
Nabatid na ang 11 suspek ay nahuli kasunod ng engkwentro ng militar at NPA sa Barangay Quintin Remo nitong nakalipas na Lunes.
Sinampahan na ang mga ito ng kasong murder kaugnay ng pagpatay kay Councilor Jolomar Hilario.