BACOLOD CITY – Tinutukoy pa ng militar ang pagkakakilanlan ng kasapi ng New People’s Army (NPA) na namatay sa sagupaan laban sa tropa ng pamahalaan sa Guihulngan City, Negros Oriental kahapon ng hapon kung saan dalawang sundalo ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 3rd Infantry Division spokesperson Major Cenon Pancito III, dalawa ang kinaroroonan ng NPA members na nakasagupa ng mga miyembro nga 62nd Infantry Battalion.
Una rito ay nasa Sitio Maluy-a, Barangay Sandayao, Guihulngan City, Negros Oriental kung saan tinatayang 15 kasapi ng komunistang grupo ang kanilang nakasagupa.
Kasunod ng engkwentro, namatay ang isang miyembro ng NPA at isa pang rebelde ang nasugatan.
Ang ikalawang sagupaan ay naganap sa Sitio Tabago Barangay Sandayao kung saan dalawang sundalo ang nasugatan.
Ayon kay Pancito, pinaniniwalaang mga miyembro ng Central Negros 2 front ng Kilusang Rehiyon Negros ang nakasagupa ng militar.
Kinumpirma naman ni 62nd IB commander Lt. Col. Melvin Flores na narekober sa encounter site ang isang .45 caliber pistol, isang carbine at isang homemade shotgun.
Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operations ang militar laban sa iba pang rebelde.