LEGAZPI CITY – Patay ang isang hindi pa nakikilalang indibidwal matapos ang sumiklab na engkwentro sa pagitan ng tropa ng militar at pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bisinidad ng Brgy. Canarom, Daraga, Albay dakong alas-6:00 ng umaga ng Biyernes.
Nakasagupa ng 93rd Division Reconaissance Company sa ilalim ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army, ang nasa humigit-kumulang 15 rebelde sa barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Capt. John Paul Belleza, nagtungo umano sa lugar ang tropa upang iberipika ang sumbong na may presensya ng ilang armadong indibidwal sa lugar.
Nagkasalubong ng landas ang mga ito kaya’t nauwi sa palitan ng putok na tumagal nang hanggang 15 minuto.
Wala namang nasugatan sa panig ng militar habang nagpapatuloy pa sa ngayon ang pursuit operations.
Nasamsam rin ng tropa mula sa encounter site ang isang M16 rifle, dalawang laptops, anti-personnel mines, propaganda materials at personal na kagamitan.