NAGA CITY – Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa operasyon ng tropa ng pamahalaan sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur nitong Sabado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO), 9th Infantry Division (9ID), Philippine Army, sinabi nitong habang nagsasagawa ng security operations ang Philippine National Police (PNP) at 83rd Infantry Battalion (83IB), dito na nila nakasagupa ang tinatayang nasa 15 miyembro ng NPA.
Nabatid na sa nangyaring bakbakan, napatay ang isang hindi pa nakikilalang kasapi ng grupo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang M16 rifles, isang M653 rifle, isang AK47 at mga propaganda materials mula sa mga terorista.
Aniya, tumagal ng nasa 10 hanggang 15 minuto ang palitan ng putok.
Kung maaalala, noong huling lingo ng buwan ng Hulyo isang miembro rin ng teroristang grupo ang napatay kung saan nakumpiska rin ang isang M60 machine gun, M16 rifle, anti-personnel mine, cellphone, assorted ammunitions, rolyo ng electric wire, propaganda materials at iba pang personal na mga kagamitan sa Sorsogon.
Samantala, wala naman aniyang nasugatan sa parte ng tropa ng pamahalaan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad para sa posibleng pagkakakilanlan ng naturang mga terorista.