BAGUIO CITY – Naideklara bilang persona non grata sa Barangay Madaymen, Kibungan, Benguet ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Inaprubahan ng mga opisyal ng Barangay Madaymen ang Resolution No. 8, series of 2020 para maideklara ang mga kasapi ng NPA bilang persona non grata sa kanilang barangay.
Batay sa resolusyon, ito ay bilang pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan para masugpo ang mga rebelde.
Inaasam ng mga opisyal na wala ng sinumang taga-Kibungan ang masasawi sa mga engkwentro laban sa mga rebelde.
Inihayag ng mga opisyal na ang pagkakasawi ni Police Corporal Marlon Casil na tubo ng Kibungan sa engkwentro sa mga rebelde sa Tadian, Mountain Province noong nakaraang taon ang huling involvement ng mga residente ng kanilang munisipyo sa mga rebelde.
Sa ngayon ay lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga barangay at bayan sa Cordillera Region na gumawa ng resolusyon para maideklarang persona non grata ang mga rebelde sa kanilang lugar.