-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Pormal nang sinampahan ng kaso ang itinuturong lider at dalawang iba pang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nahuli ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis sa Kabankalan City, Negros Occidental, Lunes ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe na si Police Lt. Col. Jonel Guadalupe, kahapon isinampa ang kasong paglabag sa election gun ban, illegal possession of firearms and explosives, laban kay Abraham Villanueva na naaresto sa Barangay Tampalon.

Pareho ring mga kaso ang isinampa laban kina Rona Magbanua, 18-anyos at residente ng Barangay Asia, Hinobaan; at Jomar Villarojo, 28, taga-Barangay Camansi, Kabankalan City.

Nabatid na nakuha sa pag-iingat ni Villanueva ang .45 caliber pistol, granada at mga bala.

Si Villanueva ay Front Secretary ng South West Front ng NPA sa Candoni-Hinobaan-Ilog-Cauayan-Kabankalan-Sipalay area.

Nag-iigib ng tubig si Villanueva nang sinundan ng mga pulis at sundalo hanggang sa ito ay nahuli.