CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang ilang mga sibilyan kasunod nang engkwentro ng militar at New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ayon kay 603rd Brigade Commander B/Gen. l Wilbur Mamawag na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 37th Infantry Battalion Philippine Army sa Mount Payong Payong, Brgy Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat ay nakasagupa nito ang tinatayang 20 mga NPA.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Umatras ang mga rebelde patungo sa bulubunduking parte sa bayan ng Palimbang nang matunugan nito ang karagdagang pwersa ng militar.
Isang NPA ang nasawi sa engkwentro at nakuha sa kanyang posisyon ang isang M16 armalite rifle, mga bala, bandolier at anim na magazine habang isa naman ang nasugatan sa panig ng 37th IB.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng 37th IB ang nakasagupa nilang mga NPA.