-- Advertisements --
NPA

BUTUAN CITY – Hinihintay pa ng mga tauhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army na makuha ng kanyang mga ka-anak ang bangkay ng isang political officer ng New People’s Army (NPA) na napatay matapos ang sagupaan sa pagitan ng mga kasundaluhan sa bulubunduking bahagi ng Sitio Suoton, Brgy. Cagdianao, sa bayan ng Claver, Surigao del Norte kahapon.

Nakilala ang napatay na si Alyas “Asyong” ang Vice Platoon Kumander at Political Officer ng SYP Platun, 16C1, Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Committee (SYP16C1, GF16, NEMRC).

Ayon kay 30th IB commander LtCol Ryan Charles Callanta, naganap ang sagupaan matapos magpapatrolya sa buong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) Area ng tatlong malalaking mining companies sa nasabing bayan.

Napag-alamang habang nagpapatrol ang mga tropa, kanilang nakasagupa sa loob g 15 minuto ang tinatayang 10 pinaniniwalaang kasapi ng SYP Platun 16C1, GF16, NEMRC na pinamumunuan ni Roel Neniel o mas kilala bilang alyas “Jacob” na nagresulta sa pagkasawi ni Ka Asyong.

Nakuha din sa pinangyarihan ang mga matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng AK47 rifle, tig-iisang M14 rifle at bandolier, dalawang magazine ng AK47 at pitong magazine ng M14 na may kasamang mga bala, at iba’t ibang supply ng mga pagkain at medisina.