-- Advertisements --

NAGA CITY – Tiniyak ngayon ng mga rebeldeng grupo na hindi sila gagawa ng anuman bagay magdadala ng takot at pangamba sa publiko kasabay ng kanilang ika-51 anibersaryo ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa isang nagpakilalang Ka Michael Robredo na mula umano sa tinaguriang Norben Gruta Command, sinabi nitong ginagarantiya nila sa publiko at sa militar na wala silang dapat na ikabahala dahil wala aniyang mangyayaring anuman sa Bicol kasabay ng kanilang okasyon.

Una rito, nito lamang Disyembre 23 ng isang sundalo ang binawian ng buhay habang anim na iba pa ang sugatan matapos umanong tambangan ng mga rebelde ang tropa ng pamahalaan sa Barangay Baay, Labo, Camarines Norte.

Sa kabila nito, nanindigan ang mga NPA na hindi ambush ang nangyari kundi isang engkwentro.

Ayon kay Robredo, nagpasabog sila ng improvised explosive devise bilang bahagi ng kanilang pagdepensa sa mga tropa.

Samantala, tahasang sinabi ni Maj. Ricky Anthony Aguilar, chief ng Division Public Affairs Office ng 9th Infantry Division, Phiippine Army na bahagi lamang ng propaganda ng mga rebelde ang mga pahayag nito.

Ang pagpapasabog aniya ng bomba ang nagpapatunay na pinaghandaan nila ang naturang pangyayari.