BUTUAN CITY – Sumuko sa pulisya sa bayan ng Kitcharao, Agusan del Norte ang squad leader ng Guerilla Front 19, Northeastern Mindanao Regional Committee, na nag-operate sa bukiring bahagi ng mga lalawigan ng Agusan del Sur at Surigao del Sur bitbit ang isang kalibre .45 na pistola matapos ang mahigit 3 taong pag-anib sa Communist Terrorist Group.
Kinilala ni PBGen. Romeo Caramat Jr., regional director ng Police Regional Office (PRO) 13 ang sumukong si alyas Saski, 30-anyos, residente sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte.
Naitala si alyas Saski sa Periodic Status Report-Joint AFP-PNP Intelligence Committee Area para sa 1st Quarter nitong taon na nasa kostudiya na ng pulisya upang ma-assess nang sa gayo’y magiging benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Localized Integration Program (E-CLIP) na may financial assistance, libreng pabahay at libreng education benefits.
Kaugnay nito’y tinatawagan ng opisyal ang lahat ng mga aktibong miyembro at mga supporters ng teroristang grupo na sumuko na at isama sa kanilang pagsuko ang kanilang mga armas.