DAVAO CITY – Sasampahan na ng kaso ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) na sugatan at nahuli ng military matapos ang nangyaring engkuwentro sa Sitio Panganason, Brgy. King King, Pantukan, Compostela Valley province.
Maliban sa paghuli sa rebelde narekober din ng militar ang iba’t – ibang matataas na kalibre ng armas sa encounter site.
Ayon kay 2Lt. Kim Carlos, civil-military operations officer ng 71st Infantry Battalion (71IB) Philippine Army, na ilang mga personahe ng Pantukan Municipal Police Station ang rumesponde matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga sibilyan patungkol sa presensiya ng mga armadong grupo na nanghaharass sa mga residente sa lugar.
Isa sa mga suspek ay nakilalang si David Aminan Orsame, 28.
Walang naitalang casualties sa tropa ng pamahalaan at si Orsame lamang ang nagtamo ng sugat at nahuli ng militar.
Narekober din ng militar ang M-14 rifle, M-16 armalite rifle, M-203 grenade launcher at iba’t ibang klase ng bala.
Nagpapasalamat naman ang militar sa mga residente sa kanilang patuloy pakikipag-ugnayan sa otoridad.
Kung maalala isa ang Compostela Valley sa mga lugar Davao region na marami ang presensiya ng mga NPA.