CAUAYAN CITY- Sumuko ang isang New Peoples Army (NPA) na kabilang sa Rehiyon Centro Degravidad ng Kilusang Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) sa pwersa ng 86th Infantry Battalion Philipppine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Benjie Maribbay ng 86th Infantry Battalion Philipppine Army sinabi niya na ang sumukong NPA ay si Alyas Jane, 20 anyos na residente ng San Guillermo, Isabela at pumasok sa loob ng kilusan noong 2019 at Squad leader ng KRCV.
Ayon kay Alyas Jane naisipan niyang magbalik loob sa pamahalaan dahil sa hirap na kanyang dinanas sa loob ng kilusan.
Dahil sa parating sinasabi ng NPA na sila ang tutulong sa kanilang mga problema ay nahikayat si Alyas Jane na umanib sa kilusan.
Sa kabuoan ay nasa dalawampu’t anim na rebeldeng nagbalik loob sa pamahalaan ang nasa pangangalaga ng 86th Infantry Battalion.
Pinoproseso na ang mga benipisyo ni Alyas Jane sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program .
Aminado naman ang 86th IB na may mga barangay pa rin sa kanilang nasasakupan ang madalas binibisita ng mga NPA.
Dahil dito ay nais ng 86th IB na paigtingin pa ang pakikipag-ugnayan at pakikipagpulong sa mga opisyal ng barangay upang maiparating ang mga programa ng pamahalaan.
Sa ngayon ay tuloy tuloy pa rin ang mga program isinusulong ng militar at ng pamahalaan para malutas ang mga problema ng mga ordinaryong mamamayan na siyang ginagamit ng makakaliwang grupo upang makapanlinlang at makapanghikayat na sumapi sa kanila.