CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng 4th Infantry Division (ID), Philippine Army na napatay nila ang mataas na opisyal ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na kumilos sa bansa partikular sa bahagi ng Mindanao ngayong araw ng Sabado.
Ito ay batay sa inilabas na kalatas na aprubado ni 4th ID Commander Major General Romeo Brawner Jr.
Napatay umano si Jorge o George Madlos alyas Ka Oris na tumatayong tagapagsalita rin ng National Democratic Front (NDF) Mindanao.
Sinabi ng heneral na mismong ang mga tauhan ni 403rd IB commander Brig. Gen. Ferdinand Barandon ang nakapatay kay Ka Oris nang magkaroon ng engkuwentro sa Sitio Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon kaninang umaga.
Inisyal na nagbigay pahayag ang militar na tuluyan na nilang winakasan ang pamumumo ni Madlos sa matagal na panahon sa Mindanao.
Si Ka Oris ang makailang beses rin na nakapanayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro noon at mayroong pagkakataong kadebate pa nito ang mga nakaraang mga tagapagsalita ng 4th ID headquarters na nakabase sa lungsod.