CAGAYAN DE ORO CITY – Inihahanda na ng pulisya at militar ang mga kasong isasampa laban sa tinatayang 15 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na nasa likod ng pagsunog sa anim na construction equipment sa loob ng Ulticon Builders Incorporated (UBI) compound sa Sitio San Roque, Brgy. Mandahican, Cabanglasan, Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson PMaj. Jisselle Longgakit na tukoy na nila ang grupong responsable sa krimen, na pinamumunuan ng isang nagngangalang Beverly Sinonta alyas Kumander Ayang ng Guerilla Front Committee Malayag ng Sub-Regional Command 2 ng CPP-NPA.
Ayon kay Longgakit, hindi na nakagalaw pa ang naka-duty na security guard na si Rey Dalina ng Dasia Security Agency at watchman na si Sacariaz Lastimado nang tutukan sila ng mga baril na bitbit ng tatlong mga rebelde na nakasuot pa ng uniporme ng militar.
Agad umanong binuhusan ng gasolina ang tigdalawang mixers at excavators maging ang isang truck, na tinatayang nasa halos P9-milyon ang halaga, at saka sinilaban.
Sa ngayon, patuloy ang kooordinasyon ng PNP at AFP upang tugisin ang grupo ni Kumander Ayang na umano’y sangkot sa malawakang extortion operations sa lugar.