KORONADAL CITY – Kusang sumuko sa mga otoridad ang 13 kasapi ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng South Cotabato, kabilang ang isang vice-commander ng isang platoon.
Kabilang ang naturang mga rebel returnees sa Guerilla Front 73 sa ilalim ng Far Southern Mindanao Region Committee.
Ayon kay South Cotabato Police Provincial Director PCol. Jemuel Siason, nagdesisyon ang mga ito na iwan na ang komunistang grupo at sumuko sa mga otoridad sa Barangay Dumadalig sa bayan ng Tantangan.
Dagdag ng opisyal, nakahanda umano ang NPA vice-commander na tumestigo at isalaysay ang kanilang pamumuhay sa kabukiran bago nagdesisyong bumaba at magbalik-loob sa gobyerno.
Inihayag ni Siason na inaasahan pa nila ang pagdami ng pagsuko ng mga rebel returnees dahil sa magagandang programa ng gobyerno para sa kanila upang sila’y makapagbagong buhay.