-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inako ng Benito Tesorio Command ng New People’s Army na sila ang nasa likod ng naganap sa sagupaan sa burgos at San Mariano Norte, San Guillermo, Isabela na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Ayon sa grupo, ang kanilang pagkilos ay isang tactical na opensiba laban sa oplan kapanatagan ng administrasyong Duterte.

Ayon sa grupo itinuturing nilang matagumpay ang kanilang paglunsad ng opensiba laban sa pwersa ng pamahalaan.

Batay pa sa inilabas na pahayag ng rebeldeng grupo dalawang unit umano ng Benito Tesorio Command ang nagsagawa ng opensiba laban sa mga pulis at sundalo.

Ang isang unit umano ang utak sa naganap na pananambang sa tropa ng 205th Maneuver Company na ikinasawi ng isang pulis at tatlong iba ba habang ang isa pang unit ng NPA umano ang nagpasabog ng command detonated explosive laban sa tropa ng 86th infantry battalion Philippine Army.

Iginiit ng rebeldeng pangkat na layunin ng kanilang opensiba na ilantad ang kontra insurhensiyang patakaran umano ng pamahalaang Duterte.

Ayon pa sa grupo ang paggamit sa militar at pulis sa pagsasagawa ng Combat operations laban sa mga rebelde ay nagpapakita ng pagiging desperado ng pamahalaan.

Magugunitang nasawi sa nasabing bakbakan si Patrolman Henry Tummap Gayaman at nasugatan sina Police Corporal Eddieboy Tumaliuan Vinasoy ng Sta Maria, Isabela; Patrolman Stephen Widay Olosan ng Paracelis, Mt. Province at Patrolman Alfred Pondemira Taliano ng Reina Mercedes, Isabela na pawang miyembro ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion.