May agam-agam umano ang National Privacy Commission (NPC) sa mga panukalang batas na naglalayong irehistro na ang lahat ng gumagamit ng prepaid SIM cards.
Ayon kay Grace Villasoto, officer-in-charge ng Privacy Policy Office ng NPC, posible raw itong mauwi sa mas mataas na panganib ng personal data breach at hindi pa raw ito napatutunayang epektibo sa pagsugpo sa krimen.
“This may result in heightened risk of personal data breaches, unauthorized processing, intrusion into the privacy of people, and restriction of other rights and freedoms,” wika ni Villasoto.
“There may be 155 countries with mandatory SIM card registration but it was also reported there is really no empirical evidence yet that proves that mandatory SIM card registration directly leads to reduction of crime,” dagdag nito.
Paglalahad pa ni Villasoto, kailangan daw sa implementasyon ng panukalang batas ang napakalaking koleksyon ng personal data sa buong bansa.
Hindi rin aniya sigurado ang privacy body kung makakaya nilang maprotektahan ang ganoong kalaking database.
Una rito, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, pangunahing may-akda ng isa sa mga panukala, dapat magmungkahi ang NPC ng mga safeguards hinggil sa pangangalaga ng data privacy sa oras na maaprubahan na ang proposal.
Inilahad naman ng PNP-Anti-Cybercrime Group na noong nakalipas na taon ay nakatanggap sila ng kabuuang 16,110 reports, kung saan karamihan ay tungkol sa online scams, online libel, computer-related identity theft, at paglabag sa Anti-photo and video voyeurism Act.