Kinilala ng Nationalist People’s Coalition (NPC) si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamumuno nito sa Kamara de Representantes upang maisulong ang mga makabagong reporma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka, matiyak na sapat ang suplay ng murang pagkain, at ang pundasyon para sa isang maunlad at inklusibong Bagong Pilipinas.
Sinabi ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food at tagapagsalita ng NPC, na ang layunin at direksyon ng pamumuno ni Speaker Romualdez ang nagpatibay sa super majority ng Kamara at naghatid ng mga batas ni Pangulong Marcos na tumutugon sa mga pinakamahalagang pangangailangan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin niya ang pagpapasa ng Republic Act (RA) No. 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nagdedeklara bilang economic sabotage sa agricultural smuggling, hoarding, profiteering, at operasyon ng kartel na may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Ipinunto din ni Enverga ang epekto ng RA 12078, na nag-aamyenda sa Rice Tariffication Law upang palawigin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031 at itaas sa P30 bilyon ang taunang alokasyon na pantulong sa mga magsasaka mula P10 bilyon.
Sinasaad ng batas ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng bigas kung kinakailangan, lalo na kung may kakulangan sa suplay o pagtaas ng presyo sa bansa.
Pinuri din ni Enverga si Speaker Romualdez sa pangunguna sa supermajority coalition ng Kamara, na kinabibilangan ng NPC, upang ipasa ang 61 sa 64 na prayoridad na panukala na tinukoy ni Pangulong Marcos at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Gayundin, aniya ang pagsisikap ng pinuno ng Kamara na matiyak na mayroong pananagutan ang mga opisyal sa pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura at panlipunan.
Sa pagsulong ng bansa, nanawagan si Enverga na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang mapakinabangan nang husto ang epekto ng mga repormang ito.