Naalarma ang National Press Club (NPC) of the Philippines sa naging pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano na 10 istasyon ng radyo ang nagsasagawa ng scripted interviews.
Humingi ngayon ng paglilinaw si NPC President Leonel Abasola mula sa mambabatas, na aniya makaaapekto sa kredibilidad sa mainstream media.
Nag-ugat ang isyu sa mainit na palitan ng mga maaanghang na pahayag nina Cayetano at Senadora Nancy Binay noong Hulyo 3 sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts, na pinamumunuan ni Cayetano, sa mga isyung nakapaligid sa bagong gusali ng Senado.
Magugunitang dating pinamunuan ni Binay ang nasabing komite ngunit nagbitiw ito matapos magkaroon ng palitan ng liderato ng Senado.
Sa pagdinig, iginiit ni Cayetano na posibleng nagpadala ang kampo ni Binay ng mga advance na katanungan dahil ang ilan sa mga istasyon ng radyo ay may parehong mga tanong. Nagresulta ito kay Binay sa pag-walk out sa pagdinig at kalaunan ay itinanggi ang mga alegasyon ni Cayetano.
Sinabi rin ni Abasola na ito ang unang pagkakataon na narinig niya ang isang kagalang-galang na mambabatas na tumatawag sa isang babaeng kasamahan niyang senador na “buang” (baliw) at “Marites” (tagapaghatid ng tsismis) sa isang pampublikong pagdinig, na kung saan tinawag niyang ungentleman.
Sinabi pa ni Abasola na natural lamang na may mga pagkakataon kung saan ang mga mamamahayag ay magtatanong ng parehong mga tanong sa “mainit na isyu” na kinasasangkutan ng public funds.