Plano ng National Printing Office (NPO) na makapag-imprenta ng hanggang isang milyong balota kada araw.
Ayon kay NPO chief Rene Acosta, magagawa nila ito ngayon at mayroon nang mga bagong printing machine ang naturang opisina.
Sisimulan aniya ang pag-imprenta ng mga test ballots sa susunod na buwan, habang ang mga official ballots ay sisimulan na ring i-imprenta sa Disyembre.
Ayon kay Acosta, maaaring matapos na ang pag-imprenta ng mga balota pagsapit ng Marso, ilang linggo bago ang May 2025 elections.
Ayon naman kay Comelec Chair George Erwin Garcia, hindi mamadaliin ang pag-imprenta sa mga balota dahil tututukan ng komisyon ang kalidad ng mga ito.
Tinitiyak din ng opisyal na maibibigay ng mga bagong makinarya ang kalidad na hinahanap sa mga gagamiting balota.
Mangangailangan ang komisyon ng hanggang 73 million na balota para sa 2025 elections habang plano nitong mag-imprenta ng isang milyong test ballot.
Naglaan ang Comelec ng isang bilyong piso para magamit sa pag-imprenta ng mga balota.