Isinapubliko ng National Security Council ang naging laman ng pag-uusap nina National Security Adviser Eduardo Año at United States National Security Advisor Jake Sullivan.
Nag-usap ang dalawa kahapon, Aug. 20 sa pamamagitan ng telepono.
Kabilang sa mga tinalakay ng dalawa ay ang kasalukuyang sitwasyon sa Indo-Pacific Region kung saan natalakay dito ang mga kamakailang pambubully ng China sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat na ginagamit ng Pilipinas.
Kinabibilangan ito ng naging mapanganib at aggresibong aksyon ng People’s Liberation Army – Air Force(PLAAF) laban sa aircraft ng Philippine Air Force na nagsasagawa ng lehitimong maritime security operation sa airspace na sakop ng Bajo de Masinloc.
Kasama rin dito ang ginawang pagbangga ng barko ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas na patungo noon sa Patag at Lawak Islands sa West Phil Sea.
Muli namang iginiit ni Año ang karapatan ng Pilipinas sa WPS, kasabay ng pagpapasalamat sa US sa tuloy-tuloy nitong pagsuporta at commitment sa Pilipinas.
Ayon pa sa NSC, pinag-usapan pa ng dalawang opisyal ang naging matagumpay na joint drill sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam na kamakailan lamang natapos, bagay na pinuri umano ni US NSA Sullivan.