Hinimok ni dating National Security Council senior consultant at Rep. Francisco “Ashley” Acedillo ang pamahalaan na pakilusin ang isang special task group para umaksyon sa mga problema sa West Philippine Sea.
May kaugnayan ito sa pinakahuling pambu-bully ng ilang Chinese sa mga mangingisdang Pinoy sa Pag-asa Island sa Palawan.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Acedillo na noong pang Aquino administration bumuo ng task force, na pinangungunahan ng National Security Adviser, ngunit hindi na iyon naging aktibo sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa dating mambabatas, dapat may koordinasyon sa pagtugon sa problema ang ahensya, tulad ng DFA para sa aspetong panlabas na ugnayan; Department of Agriculture (DA), para sa fisheries; Department of Transportation (DOTR) para sa Coast Guard at iba pa.
Aniya, mahalagang maaksyunan ang mga isyu bago pa ito lumala, dahil ang mga maliliit na mangingisda labis na apektado sa mga ginagawa ng mga Tsino, maging ito man ay mula sa militar o mangingisdang may malalaking barko at bangka sa karagatang sakop ng ating bansa.