-- Advertisements --

Dumipensa si National Security Adviser (NSA) Eduardo Año sa ginawa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na reorganization o pagbabago sa mga opisyal na bumubuo sa National Security Council (NSC).

Una nang inilabas ni Pang. Marcos ang Executive Order No. 81 s. 2024 na naging basehan ng naturang hakbang. Dito ay tuluyang tinanggal si VP Sara Duterte bilang kasapi ng konseho, kasama na ang mga dating pangulo ng bansa.

Katwiran ni Año na nagsisilbi rin bilang NSC Director General, ang naging hakbang ng pangulo ay mahalaga para mas mapalakas pa ang formulation o pagbuo ng mga polisiyang nakaka-apekto sa national security.

Ang NSC aniya ay isang advisory body at ang komposisyon nito o bumubuo dito ay salig pa rin sa kapangyarihan at desisyon ng pangulo ng Pilipinas.

Inihalimbawa ng NSA ang nilalaman ng Administrative Code of 1987 na nagbibigay kapangyarihan sa pangulo na tuloy-tuloy na i-reorganize ang administrative structure ng Office of the President kung saan ang konseho ay bahagi nito.

Maging ang mga nakalipas na administrasyon aniya ay nagsagawa rin ng reorganization sa mga bumubuo sa NSC upang matugunan ang pangangailangan at takbo ng kanilang administrasyon.

Ang naturang hakbang aniya ay dahil na rin sa kasalukuyan at posibleng lalabas pang mga banta sa pambansang seguridad na kailangang tugunan ng administrasyon.