-- Advertisements --

Binigyang-linaw ni National Security Adviser Eduardo Año na sariling pagkukusa ng United States (US) ang pagpapadala ng mga sundalo nito sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS) kung saan isinadsad ang BRP Sierra Madre.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw kasunod na rin ng unang pagbubunyag ni outgoing US Defense Secretary Lloyd Austin na mayroong US Task Force Ayungin.

Natanong ang kalihim sa kaniyang pagdalo sa 25th ASEAN Chiefs of Army Meeting, kung saan iginiit nito na layunin lamang ng tropa ng Amerika na makapag-bigay suporta sa Ayungin Shoal.

Bahagi rin aniya ito ng pagnanais ng US na maitaguyod ang kampaniya nito ukol sa Maritime Domain Awareness kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nilinaw din ni Año na walang direktang partisipasyon ang mga sundalong Amerikano sa operasyon ng BRP Sierra Madre at ang otoridad dito ay nananatili pa rin sa ilalim ng Western Command ng AFP kasama ang Philippine Coast Guard

Natanong din ang kalihim kung ano ang posibleng magiging implikasyon ng pananatili ng mga sundalong Amerikano sa Ayungin.

Sagot nito, walang masama sa pagpapakalat ng mga sundalong Amerikano sa Western Command dahil sakop naman ito sa mga itinatakda ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Una na ring kinumpirma ng AFP ang presensiya ng US Task Force Ayungin kasunod ng naging pagbubunyag ni US Defence Sec. Austin kamakailan.