Nanawagan si National Security Adviser Secretary Eduardo Año sa Department of Justice na ikonsidera at gumawa ng mga ligal na aksyon laban kay Davao Del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez.
May kaugnayan pa rin ito sa naging panawagan ng kongresista sa AFP at PNP na bumitiw na sa pagsuporta sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Sa isang statement, iginiit ni Año na ang naturang pahayag mula sa isang opisyal ng pamahalaan at reserve officer ng kasundaluhan, ay hindi lang iresponsable, kundi iligal at labag sa konstitusyon.
Aniya, ang aksyon na ito ay maaaring maturing bilang “seditious” o “rebellious” na walang lugar sa sibilisadong lipunan.
Kapwa tapat aniya sa konstitusyon, rule of law, at chain of command ang parehong institusyon kung kaya’t hindi dapat idinadamay ng kahit sino ang AFP at PNP sa kanilang political agenda at personal na interes, kahit na sinasabi ni Alvarez na bugso lang ng emosyon ang kanyang pahayag.
Kasabay nito ay binigyang-diin din niya na dapat ay manatiling apolitical ang kasundaluhan at kapulisan sa pagsisilbi para sa bayan.