-- Advertisements --

Hinihintay pa ng National Security Council (NSC) ang opisyal na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa tatlong Pinoy na umano’y naaresto sa China at inaakusahang sangkot sa espionage.

Sa panayam kay NSC Spokesperson Jonathan Malaya, ang hawak pa lamang sa ngayon ng gobiyerno ng Pilipinas ay ang ilang impormasyon tulad ng pagkaka-aresto ng mga Pinoy sa Hainan Islands at ang pangalan ng tatlong Pinoy, batay na rin sa inilabas ng state media.

Pero paalala ng opisyal, anumang impormasyon na lumalabas mula sa state media ng China ay kailangang munang ma-beripika dahil bahagi aniya ng kanilang mga inilalabas na mga impormasyon ay ang ‘propaganda’ ng naturang bansa laban sa Pilipinas.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang konseho sa Department of Foreign Affairs upang alamin ang katotohanan sa likod nito, at upang makapagbigay ng tulong sa mga Pinoy kung totoo man ang inilabas na balita.

Inaalam na rin ng opisyal kung may impormasyong ipina-batid ang Chinese government sa mga Embahada ng Pilipinas na nakabase sa China.

Maliban dito, nakikipag-ugnayan din ang NSC sa Consul General ng Pilipinas na nakabase sa Guangzhou, ang pinakamalapit na konsulada sa Hainan Islands kung saan sinasabing naaresto ang mag ito.

Apela ng opisyal sa publiko, iwasan muna ang spekulasyon at kailangang salain at beripikahin muna ng gobiyerno ng Pilipinas ang lumabas na balita upang matukoy kung ito ay totoo.

Kahapon, Abril 3 nang ilabas ng state media ang naturang balita.