-- Advertisements --

Hinimok ng National Security Council (NSC) ang Kongreso na agad magpasa ng mas mahigpit na batas laban sa pag-iispiya.

Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na dapat iprayoridad ang pagpasa ng mga amyenda sa Espionage Act gayundin ang Countering Foreign Interference and Malign Influence Bill.

Ayon sa opisyal, mahalaga ang pagpapalakas ng legal framework ng bansa para epektibong matugunan ang mga naglilitawang mga banta sa seguridad.

Inihayag din ni Año na matitiyak ng panukalang pag-amyenda na mahaharap sa buong pwersa ng batas ang mga indibidwal o grupo na naghahanap ng pagkakataon para makompormiso ang pambansang seguridad ng bansa.

Pinuri naman ng opisyal ang Armed Force of the Philippines, National Bureau of Investigation at intelligence community para sa kanilang pagbabantay at epektibong mga operasyon na humantong sa pagkakaaresto ng isang Chinese national at kaniyang 2 kasabwat na Pilipino na aktibong sangkot sa gawain ng pag-iispiya at intelligence gathering activities sa bansa.