Iniimbestigahan na ng National Security Council (NSC) ang napaulat na pagdagsa ng Chinese students sa Tuguegarao city ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya.
Ito ay matapos hilingin ni Senator Majority Leader Joel Villanueva sa NSC na siyasatin ang umano’y biglaang pagtaas ng bilang ng Chinese students sa mga paaralan at unibersidad sa siyudad na nagbunsod ng pangamba kaugnay sa national security.
Ayon kay Malaya, nagtalaga na sila ng intelligence units para tignan ang sitwasyon doon para matukoy kung mayroon talagang national security threat o kung nais lamang ng mga ito na magtungo sa PH para mag-aral.
Matatandaan na una na ring naghain ng hiwalay na resolutions sina Cagayan 3rd district Rep. Joseph Lara at Isabela 6th district Faustino “Inno” Dy na nananawagan para imbestigahan ang naturang isyu.
Pinangangambahan kasi ng mga mambabatas na maging banta ito sa national security at ekonomiya ng bansa.
Nakatanggap din umano si Cong. Lara ng reports mula sa kaniyang constituents na mayroong 4,600 Chinese students ang nagaaral sa iisang pribadong unibersidad lamang doon sa probinsiya ng Cagayan.
Subalit una ng pinabulaanan sa isang joint statement ng mga unibersidad sa Cagayan ang naturang alegasyon.
Sinabi ng Medical Colleges of the Northern Philippines, University of Cagayan Valley, University of Saint Louis Tuguegarao, at Saint Paul University Philippines na walang basehan at maituturing umanong deeply offensive ang alegasyong banta sa national security ang presensiya ng Chinese students sa mga unibersidad sa lungsod.
Lantaran din umano itong racism at walang lugar ang Sinophobia sa kanilang lipunan lalo na pagdating sa edukasyon.