-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni National Security Council (NSC) assistant director general Jonathan Malay na hindi ito maaaring maglunsad ng sariling imbestigasyon sa umano’y pinasok na gentleman’s agreement ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China na may kinalaman sa resupply missions sa Ayungin shoal sa WPS.

Ito ay dahil naitalaga noon lamang nakalipas na taon ang mga opisyal ng NSC partikular na si National Security Adviser Eduardo Año at hindi sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.

Bagamat si Año ay nagsilbi noong Duterte administration bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government at naging chief of staff din ng Armed Forces of the Philippines mula December 2016 hanggang October 2017.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Malaya na maaaring magsagawa ng sariling imbestigasyon ang mga mambabatas kaugnay sa naturang kasunduan dahil karapatan aniya ito ng lehislatura.

Matatandaan na una na ngang ibinunyag ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang naturang gentleman’s agreement kung saan nagkasundo umano ang dating Pangulo at Chinese Pres. Xi Jinping na maaari lamang magdala ng mga suplay na pagkain at tubig para sa mga tropang Pilipino na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal at pinagbabawal umano ang pagdadala ng construction materials para sa pagkumpuni ng naturang warship.

Samantala, pagdating naman sa inihaing panukala sa Kamara kaugnay sa pagpapatayo ng lighthouse sa Ayungin shoal, sinabi ni Malaya na mayroong inilaang pondo ang Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ngayong taon para sa development ng Ayungin shoal.

Batas aniya ito para magkaroon ng karagdagan pang struktura sa Ayungin shoal maliban pa sa BRP Sierra Madre kaya’t walang magagawa ang pamahalaan kundi sundin kung ano ang nakasaad sa ilalim ng GAA.