Itinanggi ng National Security Council (NSC) na nangako ang Pilipinas sa China na tatanggalin nito ang US Typhon missiles system sa bansa.
Ginawa ni NSC spokesperson Jonathan Malaya ang paglilinaw sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Biyernes.
Aniya, hindi kalianman gumawa ng anumang commitment ang PH sa People’s Republic of China kaugnay sa naturang usapin.
Sa halip, ini-alok aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng media na tanggalin ang mid-range missile system sa bansa kung ititigil ng China ang mga agresibong aksiyon nito sa West Philippine Sea subalit hanggang sa ngayon aniya ay walang natatanggap na maayos na tugon ang bansa hinggil dito.
Ipinaliwang din ni Malaya na ang missile system ay nasa bansa dahil may mutual defense treaty ang PH sa US at kailangan aniya ng mga sundalo ng PH na maging pamilyar sa weapon systems ng mga partner at kaalyado ng ating bansa.
Ginawa ni Malaya ang naturang pahayag matapos sabihin ni Chinese foreign ministry spokesperson Guo Jiakun na nangako umano ang PH na temporary lang ang deployment ng US Typhon missile system at tatanggalin sa bansa pagkatapos ng kaugnay na military exercises.
Matatandaan na dumating sa PH ang Typhon missile mula sa US noong Abril 11, 2024 at unang ginamit noong Balikatan exercises at nanatili na sa bansa mula noon.