Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na may mga indikasyon na nanghihimasok ang China para sa papalapit na May 2025 National and Local elections.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na may operasyon na ginagawa ang Chinese state-sponsored sa Pilipinas kung saan nakikialam ito upang manalo ang mga kandidato na sumusuporta sa China at sirain naman ang mga kandidatong tumutuligsa sa kanila.
Sinabi naman ni Senador Francis Tolentino, ang mga ganitong aktibidad ay hindi agad nauunawaan ng publiko dahil umano nakahalo na ito sa social media — bagay na kinatigan ni Malaya.
Inihalimbawa ni Malaya na nakikita nila na maraming naratibo na lumalabas mula sa China na pinalalakas ng kanilang local proxy dito sa bansa.
May ipinalalabas umanong pahayag ang Beijing na pareho din ang sinasabi ng local proxy sa Pilipinas.
Inihalimbawa pa ng opisyal ang ginagawang Balikatan exercises ngayon sa Pilipinas kung saan may mga pahayag na mula sa China — na ito raw ay isang banta sa ating regional peace and stability — kung saan gagayahin lang ng mga local proxies.