-- Advertisements --

Malugod na tinatanggap ng National Security Council (NSC) ang alok ng China na dayalogo para resolbahin ang ilang isyu sa West Philippine Sea (WPS), ngunit dapat magkaroon aniya ng mutual respect at sinseridad sa pagitan ng dalawang panig ayon kay NSC spokesperson at Ass. director General Jonathan Malaya.

Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa nauna ng sinabi ng China sa pamamagitan ng tagapagsalita ng foreign ministry na si Mao Ning, na nananatiling bukas ang kanilang pintuan para sa pakikipagdayalogo sa Pilipinas ngunit patuloy nitong poprotektahan ang mga interes ng kanilang bansa.

Aniya, kanilang tinatanggap ang alok ng China para sa dayalogo, negosasyon at konsultasyon ngunit ito ay para sa layuning umunlad at inihayag na dapat na agad na itigil ng China ang pambu-bully, agresibong aksyon, at mga iligal na hakbang nito sa West Philippine Sea na seryosong sumisira sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Ang diyalogo ay maaari lamang aniyang magtagumpay kung may paggalang sa isa’t isa at katapatan sa pagitan ng 2 sovereign countries.

Saad pa ng NSC official na handang suklian ng PH ang alok ng China basta’t agarang matigil na aniya ang pambubully, harassment at mga agresibong aksiyon nito.

Maalala, naipanalo ng Pilipinas ang arbitration case na inihain nito laban sa China matapos na ipawalang-bisa ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands ang nine-dash line claim ng Beijing na sumasaklaw sa halos buong pinagtatalunang karagatan kabilang ang West PH Sea.