Mariing kinondena ng National Security Council ang bayolente at ilegal na mga aksiyon ng Chinese authorities laban sa mga mangingisdang Vietnamese na nagooperate malapit sa Paracel Islands noong Setyembre 29.
Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na nag-iwan ng 10 sugatang mangingisda at napinsala ang kanilang ari-arian ang hindi makatarungang pag-atake ng Chinese maritime authorities na isa aniyang nakakaalarmang aksiyon na walang lugar sa mga ugnayang pandaigdig.
Hayagang paglabag din aniya sa international law partikular na sa UNCLOS at basic human decency ang paggamit ng pwesa laban sa mga sibilyang mangingisda. Iginiit din ng opisyal na marapat na mabigyan sila ng proteksiyon sa karagatan at hindi dapat saktan bilang sila ay vulnerable maritime workers.
Binigyang diin din ng opisyal na tinututulan ng Pilipinas ang anumang paggamit ng karahasan o coercion lalo na laban sa mga sibilyang mangingisda para lamang maigiit ang kanilang territorial claims.
Tumitindig din aniya ang PH sa Vietnam sa pagkondena sa akiyon ng China at nananawagan para sa accountability o pananagutan at dapat na pairalin ang international maritime laws at itigil ang lahat ng illegal na mga aktibidad na naglalagay sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyang marino sa panganib.