-- Advertisements --

Iginiit ng MalacaƱang na hindi pa kailangang i-convene o pulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Security Council (NSC) para talakayin ang insidente ng pagbangga ng isang Chinese vessel sa isang Filipino fishing boat sa Recto Bank.

Ang NSC ay binubuo ng mga dating pangulo ng bansa at mga top security officials mula sa AFP, PNP at intelligence community.

Una ng ipinanukala ni Sen. Richard Gordon ang pagpapatawag na NSC meeting dahil hindi umano maaaring nakadepende lamang ang Pilipinas sa pakikipagkaibigan ni Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginagawa lamang ang pagko- convene ng NSC kung mayroong krisis na kinahaharap ang bansa at sa kasalukuyan ay wala naman.

Ayon kay Sec. Panelo, gusto lang kasi ng mga kritiko na magkaroon ng krisis na malabo namang mangyari dahil maganda ang trade relations ng bansa sa China.

Maliban dito, una na umanong ipinunto ni Pangulong Duterte na nadadala naman sa pakiusapan at mga diplomatikong pamamaraan ang mga isyung kinahaharap ng dalawang bansa.