Hindi paghahanda para sa giyera ang nalalapit na Balikatan joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito ang binigyang diin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya ngayong araw sa isang News forum.
Ang development na ito ay isang araw matapos na magpahayag ng lubhang pagkabahala ang China kaugnay sa pagpapadala ng US ng medium-range missile system sa northern Luzon.
Una ng sinabi ni Balikatan 2024 Executive Agent Colonel Mike Logico na isasagawa ang military exercises sa pagitan ng Amerika at PH sa northern Luzon dahil malapit ito sa Taiwan na posibleng pagmulan ng labanan sa China.
Sinabi din nito na ang layunin umano kung bakit nagi-exist ang armed forces ay para maghanda para sa giyera meron man o walang China isasagawa pa rin aniya ang military exercises.
Subalit sinabi ni Malaya na walang plano ang Pilipinas na masangkot sa anumang uri ng labanan.
Tiniyak din ng NSC official na nakasentro ang Balikatan na magsisimula na sa Lunes, Abril 22 hanggang sa Mayo 20 sa pagpapalakas ng kapasidad ng bansa sa pagdepensa gayundin ang interoperability at kooperasyon ng pwersa ng Pilipinas at Amerika.
Inaasahan na mahigit 16,000 tropang sundalo ng PH at US ang lalahok sa Balikatan exercise ngayong taon.