Muling nilinaw ng National Security Council na walang nalalaman ang Marcos administration sa anumang secret o gentleman’s agreement na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China kaugnay sa West Philippine Sea at kung sakali man na meron, binabawi na o pinapawalang bisa na ng Pangulo.
Ito ay kasunod ng inilabas na pahayag ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila na makailang ulit umano nilang ipinaalam sa kasalukuyang administrasyon mula ng mag-assume ito sa pwesto ang tungkol sa kasunduan na taliwas naman sa unang pahayag ni Pangulong Marcos na wala itong nalalaman sa naturang secret deal.
Sa isang statement na inilabas ng NSC ngayong araw, sinabi nitong ginagamit sa paglikha ng kalituhan, salungatan at tunggalian ang patuloy na diskurso sa umano’y walang katibayan o gawa-gawa lamang na mga pangako sa secret o gentleman’s agreement.
Gayundin, sakali man na mapatunayang totoo, ang nasabing kasunduan ay labag sa national interest at sa konstitusyon. Kung sakali din umano na mayroong kasunduan, responsibilidad umano ng mga responsable dito na ipaliwanag ang kasunduan sa mamamayang Pilipino subalit hindi aniya ito papairalin ng kasalukuyang administrasyon.
Kayat nananawagan ang ahensiya sa lahat ng Pilipino na manindigan sa ating posisyon at labanan ang mga mapanirang salaysay na naglalayong sirain ang national interest.
Gayundin huwag mahuhulog sa patibong na naglalayon lamang ng dibisyon sa ating bansa at pahinain ang ating matatag na paggiit ng ating soberaniya, sovereign rights at hurisdiksiyon sa WPS.
Samantala, tiniyak din ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa Pangulo ang buong suporta ng kapulisan at kasundaluhan.
Ito ay sa gitna ng panawagan ni dating House Speaker at kasalukuyang Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa AFP at PNP na iatras ang kanilang suporta kay PBBM.