Tahasang pinabulaanan ni NSC spokesperson Ass. Director General Jonathan Malaya ang alegasyon sa paggamit ng West Philippines bilang isa lamang umanong imahinasyon.
Sa NTF-WPS press conference ngayong Biyernes, ipinaliwanag ng opisyal na ang paggamit ng katagang WPS ay base sa batas.
Tinukoy ni Malaya ang bagong batas ng bansa na nilagdaan lamang kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobiyembre 8, 2024 na Republic Act 12064 o ang Philippine Maritime Zones Act kung saan malinaw aniyang inilarawan kung ano ang West Philippine Sea.
Aniya, ang maritime zones ng PH sa kanlurang parte ng archipelago kabilang ang Luzon Sea at territorial sea ng Bajo de Masinloc at maritime features ng Kalayaan Island Group ay kolektibong kilala bilang West Philippine Sea.
Nilinaw din ni Malaya na “old reference” na o lumang basehan na ang administrative order na nilagdaan noong 2012 ng yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III na ginagamit naman ngayon ng mga vlogger at commentator bilang basehan sa pagdepensa ng paggamit ng katagang WPS.
Bagamat tumangging magpangalan ng opisyal sa kaniyang pinatutungkulan sa naturang usapin, matatandaan na nauna ng sinabi ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta sa isang pagdinig sa House of Representatives noong Pebrero 4 na walang West Philippine Sea sa mapa ng bansa at ito ay gawa-gawa lang umano natin.