Nilinaw ng National Security Council (NSC) na ordinaryong mamamayan at hindi ispiya ang tatlong Pilipinong napaulat na inaresto sa China.
Sa isang statement, sinabi ni NSC spokesperson Ass. Director-General Jonathan Malaya na naalarma ang ahensiya sa mga kasong pang-iispiya na inaakusa ng People’s Republic of China laban sa 3 Pilipino.
Ipinunto ng NSC official na ang 3 Pinoy na inaresto ay dating recipients ng Hainan Government Scholarship Program na itinatag sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng probinsiya ng Hainan at Palawan na nagbigay ng scholarships sa 50 scholars mula Palawan para mag-aral sa Hainan National University.
Iginiit din ng opisyal na ang mga ito ay ordinaryong mamamayan na walang military training na nagtungo lamang sa China dahil sa imbitasyon ng gobyerno ng China para doon mag-aral. Gayundin, ang mga ito ay sumusunod sa batas at walang mga criminal records at masusing sinuri ng Chinese government bago dumating sa kanilang bansa.
Kinuwestyon din ng NSC ang tinawag nitong edited video na inilabas ng Chinese media na nagpapakita sa umano’y pag-amin ng mga inarestong Pilipino. Kabilang ang porsyon ng sinabi ng isa sa mga Pilipino habang nagpapahayag ng kaniyang pagsisisi na malinaw na pinapalabas ang China sa positibong pananaw. Binanggit din dito ang Philippine Intelligence Agency o Philippine Spy Intelligence Service na hindi naman aniya nagi-exist na ahensiya ng gobyerno. Kayat lumalabas aniyang scripted ang mga pag-amin ng inarestong mga Pilipino.
Nakikita din ang pag-aresto sa 3 Pinoy bilang pagganti ng China sa mga serye ng lehitimong pag-aresto sa mga Chinese spy at kanilang mga kasabwat dito sa Pilipinas sa mga nakalipas na buwan.
Kaugnay nito, tiniyak ng NSC na kanilang pangunahing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong inaresto. Ipagpapatuloy ng ahensiya ang maigting na pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa China para matiyak na makakatanggap ang mga ito ng kaukulang legal support at due process sa gitna ng mabigat na akusasyong ibinabato laban sa kanila.
Hinimok din ng gobyerno ng PH ang Chinese government na respetuhin ang mga karapatan ng mga inarestong Pilipino at bigyan ng pagkakataon para malinis ang kanilang pangalan katulad ng paggalang sa mga karapatan ng mga Chinese national na nasa Pilipinas.