Siniguro ni National Security Council (NSC) Spokesperson Jonathan Malaya na dumadaan sa due process ang lahat ng mga Chinese na naaresto sa Pilipinas at inaakusahan ng pang-eespiya.
Ayon kay Malaya, ang lahat ng mga naarestong Chinese ay mabibigyan ng pagkakataon upang ipresenta ang kanilang mga depensa sa korte.
Nasa korte na aniya ang kaso ng mga ito at lahat ng mga karapatan nila ay iginagalang, tulad ng pagbisita ng kanilang consular officials, legal representation, atbpa.
Ito ay bahagi aniya ng pagkakaroon ng Pilipinas ng demokratikong paraan ng pamamahala, di tulad ng komunistang pamamahala ng China.
Maalalang sa naunang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson, Guo Jiakun ay binatikos niya ang Pilipinas dahil sa umano’y gawa-gawa lamang ang mga kasong pang-eespiya laban na ini-aakusa sa mga naarestong Chinese nationals sa mag nakalipas na buwan.
Ayon sa Chinese official, walang malinaw na ebidensiya laban sa kanila, at mistulang hindi napoperotektahan ang mga Chinese na narito sa bansa.
Pero ayon kay Dir. Malaya, opisyal nang nakapaghain ang Department of Justice ng kaso laban sa mga naarestong Chinese na inakusahan ng pang-eespiya, at tiyak na mabibigyan sila ng sapat na pagkakataon upang sagutin ang kanilang mga kinakaharap na kaso.
Aniya, gumagawana ang mga korte rito sa Pilipinas at iginagalang ang karapatan ng mga nasasakdal, kasabay ng paggulong ng kanilang mga kaso.