-- Advertisements --
IMG 48adecffe029bc389685693a3fd1e1f7 V

Ipinag-utos na ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Facebook, Lazada at Shopee na ihinto ang pagbebenta ng SMS o text blaster machine online.

Maliban dito, pinagpapaliwanag din ang hindi otorisadong pagbebenta ng naturang mga devices sa online sa pamamagitan ng kanilang buy-and-sell platforms.

Ang pagbebenta raw ng naturang equipment ay paglabag sa Republic Act 3846 o The Radio Control law at NTC Memorandum Order 01-02-2013 na may titulong “The Prohibition of Portable Cellular Mobile Repeater and Portable Cellsite Equipment.”

Kasunod nito, inatasan ng NTC ang Facebook, Lazada at Shopee na magpaliwanag sa NTC sa Oktubre 27.

Una rito, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng portable cell sites maliban sa Naitonal Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga ahensiyang pinagayang gumamit nito.

Ang direktiba ng NTC ay kasunod na rin ng paglulunsad ng imbestigasyon sa text blasts na nagkakampanya kay dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong naghain ito ng certifacate of candicacy (CoC) dahil sa layuning pagtakbo bilang pangulo sa 2022 elections.

Gamit ang emergency alert ay nakatanggap ang ilang cellphone users ng mensahe na nagpo-promote sa kandidatura ng dating senador.

Karamihan daw sa mga nakatanggap na cellphone users ay nasa area ng Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila, Pasay City kung saan ginanap ang CoC filing.

Agad naman itong pinaimbestigahan ng ilang mambabatas pero itinanggi naman ng kampo ni Marcos na sila ang may kagagawan ng text blasts at sinabing bahagi raw ito ng demolition job ng mga partidong nais manira kay Marcos.