Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telecommunication companies (telcos) na magpadala ng text blast sa kanilang subscribers.
Ito’y para balaan laban sa “text spam” o umano’y mga text messages na naglalaman ng mga alok na trabaho.
Sa memorandum order na may petsang Nov. 19 na nilagdaan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan nito ang Digitel Mobile Philippines, Globe Telecoms, Dito Telecommunity at Smart Communications, na magpadala ng text blast na naglalaman ng mensahe na:
“BABALA! Huwag maniwala sa text na diumano’y nag-aalok ng trabaho. Huwag po magbigay ng personal na impormasyon. Ito po ay isang scam.”
Pinagsusumite rin ng komisyon ang telcos ng report of compliance bago o pagsapit ng December 14.
Ginawa ng NTC ang direktiba makaraang libo-libong users ang nagbahagi ng text messages o e-mails tungkol sa alok na trabaho na tinawag ng mga otoridad na scam.
Kaugnay nito, muling binuhay ni NTC Deputy Commissioner Ed Cabarios ang pagpasa ng SIM (subscriber identity module) card registration bill.
Sa pamamagitan nito ay madali raw matukoy ang nagmamay-ari ng SIM card dahil mairerehistro na ito.
Aminado si Cabarios na mahirap habulin sa ngayon ang mga scammer gamit ang SIM card.
Isa sa mga nakikitang posibilidad ng NTC Deputy Commissioner kung saan nakukuha ang mga mobile phone numbers ay sa mga contact tracing forms sa mga mall.
Kung maaalala noong sumiklab ang Coronavirus Disease 2019 pandemic, inobliga ang mga establisimiyento na magpapirma ng contact tracing form bago magpapasok.
Isa sa mga hinihinging impormasyon dito ang mobile number at ang pangalan ng pipirma.
Kaya naman panawagan ng NTC, kung hindi kilala ang sender ng mga message ay huwag na lamang din pansinin.