Inalerto ng National Telecommunications Commission (NTC) ang publiko tungkol sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga tauhan o empleyado ng NTC.
Inilabas ng komisyon ang pahayag noong Huwebes ng gabi, Hunyo 27 matapos makatanggap ng ulat sa pamamagitan ng Consumer Welfare and Protection Division nito.
Ang mga scammer ay tumatawag umano sa mga biktima at nagbabanta sa kanila habang pinalalabas nito na ang kanilang mga numero ay sangkot sa kaso ng scamming.
Ayon sa ahensya, dahil dito ay napipilitan ang mga biktima na magbigay ng pera para makaiwas sa diumano’y mga kasong kriminal at upang maalis ang kanilang pangalan sa umanoy listahan ng mga scammer.
Bilang tugon sa mga ulat na ito, mariing pinaalalahanan ng NTC ang publiko na maging maingat laban sa ganitong uri ng scam.
Samantala, hinimok ng komisyon ang publiko na iulat ang naturang mga scam sa NTC para sa agarang aksyon.