Naghain ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission laban sa Swara Sug Media Corporation.
Ang naturang korporasyon ang may ari ng Sonshine Media Network International o SMNI.
Inilabas ang naturang order matapos makatanggap ang NTC ng ulat na lumalabag ang network sa 30-day suspension noong Disyembre 19.
Binigyan na rin ang network ng karagdagang araw para magsumite ng sagot laban sa show cause order ng komisyon, ngunit hindi ito nakapagpasa ng depensa.
Sa halip, nag-file ang network ng Motion for Bill of Particulars, na nananawagan sa NTC para magbigay ng mas detalyadong paliwanag sa akusasyon.
Iginiit naman ng komisyon na sapat at detalyado na ang inihain nilang show cause order laban sa network.
“To protect the interest and welfare of the public from any public utility alleged to be violating or have violated the conditions of its authorities, Respondent should be prevented in the meantime or during the pendency of this case from operating its radio and television stations, especially considering that the Respondent is yet to provide the Commission with any written submission or explanation directly addressing the allegations against it,” ayon sa order ng NTC.
Pinag-aaralan ngayon ng abogado ng network na si Atty. Mark Tolentino ang mga paraan para maipagtanggol ang network laban sa order.