Pinapayuhan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga botante na balewalain ang mga pinapadalang text blast na ikinakampaniya ang political candidates gamit ang emergency alert systems na karaniwang ginagamit para sa calamity warning.
Sa inilabas na advisory ng NTC, inabisuhan nito ang publiko na i-ignore na lamang ang kaparehong mga mensahe maliban na lamang kung ito ay isang lehitimong emergency message mula sa National Disaster and Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o sa state weather bureau at flood forecasting center.
Saad pa ng komisyon na ang maling paggamit ng SMS blasters partikular na sa pamamagitan ng emergency alert systems para magpakalat ng campaign materials ay hindi tama gayundin, nakakasiraa ito sa tiwala ng publiko sa mahahalagang communication channels.
Samantala, in-endorso naman na ng NTC ang naturang mga report hinggil sa maling paggamit ng text blasts sa mga kaukulang law enforcement agencies.
Nagbabala naman ang NTC na ang mga violator ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon at multang aabot hanggang kalahating milyon sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, Republic Act No. 3846 na inamyendahan, ang SIM Registration Act at kaugnay pang rules and regulations ng NTC.
Nauna na ngang kumalat sa social media noong Abril 3 ang emergency text blast na natanggap ng ilang mga taga-Masbate na naglalaman ng mga pangalan ng mga tumatakbong kandidato sa naturang siyudad.