-- Advertisements --

Pupulungin ng National Telecommunication Commission (NTC) ang mga miyembro ng Committee for the Special Protection of Children mula sa Department of Justice (DoJ), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine National Police (PNP) dahil na rin sa kontrobersiya na idinulot ng “Momo Challenge.”

Inimbitahan din ng NTC si Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Eliseo Rio Jr. o kinatawan nito.

Ayon sa NTC may kapangyarihan silang atasan ang internet service provider na i-block ang websites na nagdudulot ng hindi maganda sa publiko.

Partikular kung ito ay mayroong harmful content at nagpapakita ng online harassment.

Ang DICT ang namumuno sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center na binuo sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang naturang pulong ay gaganapin ngayong alas-2:00 ng hapon sa NTC Building.