KORONADAL CITY – Mahigpit na nagbabala ang National Telecommunications Commission (NTC) Region 12 sa lahat ng mga mamamayan sa Soccsksargen laban sa naglilipanang satellite tower installation scams na gumagamit pa ng pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr upang makapanloko.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Engr. Froilan Jamis, regional director ng NTC-12, inihayag nito na gumagawa sila ng hakbang sa ngayon na mapigilan ang pang-re-recruit ng mga indibidwal na nagpapakilalang konektado sa Maharlika 3rd telecommunity Tower Project.
Ayon kay Director Jamias, kaduda-duda ang proyektong ito dahil walang kaukulang mga dokumento at license na ipinapakita sa halip mga peke at gawa-gawa lamang.
Ipinagdiinan din ng opisyal na walang lehetimong proyekto o telecommunication project ang gobyerno sa ilalim ng pangalang ito.
Nais lamang umano na iligaw ng mga scammers ang mga taong sa tingin nila ay kanilang mapagkakaperahan o maloloko.
Napag-alaman na sa ganitong modus ay pinapasumite ang sinumang indibidwal ng sukat ng lupa at iba pang dokumento para sa higit 30 taong kontrata at nangangakong babayaran sila ng gobyerno.
Kaugnay nito, nananawagan si Director Jamias sa sinumang ma-rerecruit sa ganitong proyekto na huwag magpaloko sa halip ay e-report agad sa kanilang tanggapan o sa mga otoridad.