CENTRAL MINDANAO-Alinsunod sa mandato ng Republic Act 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) registration, magsasagawa ng isang araw na pagrerehistro ang tatlong Telco sites na pangungunahan ng National Telecommunications Commission Region XII sa February 14, 2023 sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Ito ang inanunsyo ni NTC OIC-Regional Director Froilan B. Jamias sa kanyang pagbisita ngayong araw sa opisina ni Provincial Administrator Aurora Garcia upang gabayan ang bawat isa sa pinapaigting na Sim Registration sa bansa.
Ayon kay RD Jamias, sinimulan na ang nasabing aktibidad sa mga bayan ng Arakan, Antipas at Pres. Roxas noong January 27, 2023.
Layunin ng SIM Registration Act na paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa ibat-ibang klase ng krimen katulad ng cybercrimes, pagkalat ng mga maling impormasyon at terorismo.
Nagpahayag naman ng suporta si Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa NTC at hinikayat ang lahat ng mga Cotabateño na magparehistro.
Dumalo din sa pagpupulong si 2nd District Board Member Krista Piñol-Solis.