Nagbigay ng 5,000 PPE sets si National Task Force (NTF) COVID-19 Deputy Implementer at kasalukuyang Testing Czar Secretary Vince Dizon para sa lokal na pamahalaan ng Bacoor.
Binubuo ito ng body suits, face masks, gloves at first batch ng 2,000 PCR test kits na nagmula sa Department of Health (DOH). Sinabi ni Dizon na makakaasa ang naturang lungsod na makatatanggap pa ito ng karagdagang 2,000 PCR test kits.
Sa naganap na pagpupulong ay inilatag din ng Bacoor City Task Force COVID-19 kay Dizon at ilang opisyal ng DOH Region IV-A ang kanilang konsultasyon tungkol sa testing centers at isolation facilities sa lungsod.
Nagbigay naman ng COVID-19 update si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla kung saan ipinakita nito na kasalukuyang nakararanas ng COVID-19 case surge ang Bacoor mula noong Hulyo. Batay sa update na ibinahagi ng alkalde, 60% ng bagong kaso na kanilang naitala ay mula sa mga empleyado na nagtatrabaho sa National Capital Region (NCR).
Sa naturang konsultasyon din ay tinukoy ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan nito upang makapaglunsad ng aggressive PCR testing, pati na rin ang kakulangan ng isolation at quarantine facilities dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 case sa lungsod.
Gayunpaman, sinigurado ni Dizon ang agarang aksyon na ibibigay ng NTF para siguraduhin na matatanggap ng Bacoor City ang mga nabanggit na pangangailangan. Magpapadala umano ang NTF ng karagdagang swab teams para sa malawakang testing, magdadagdag din ito ng isolation at quarantine facilities sa lungsod bilang paghahanda sa posibleng paglobo ng COVID-19 cases sa Bacoor sa oras na maging matagumpay ang agresibong testing sa mga BacooreƱo.
Sa ngayon kasi ay itinuturing ang NCR, Cavite, Laguna at Rizal bilang epicenter ng karamihan sa mga naitatalang bagong kaso ng deadly virus kung kaya’t makikipagtulungan ang NTF sa lokal na pamahalaan ng Bacoor para labanan ang pandemic.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Revilla sa tulong na ipinangako ng NTF. Malaki aniya ang magagawa nito para panatilihin na ligtas ang kaniyang nasasakupan.
Nakiusap din ang alkalde sa mga employers ng mga BacooreƱo na nagtatrabaho sa NCR na tumulong sa isolation ng kanilang mga empleyado kung sakali mang magpositibo ang mga ito sa COVID-19. Ito ay para maiwasan na rin ang family contamination at local transmission ng virus.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala ng 522 kaso ng COVID-19 ang Bacoor. 302 ang active cases, 189 na ang gumaling habang 31 ang nasawi as of July 22, 2020.